SA kanyang murang edad, si Francine Diaz ay nagsikap upang matupad ang matagal na niyang pangarap hindi lamang para sa sarili kundi para sa kaniyang pamilya.
“Gustong-gusto po kasi talaga namin ng sariling bahay. Actually palipat-lipat nga kami. Ngayon nakakatuwa po, kasi mayroon na kaming house and may car na rin. ‘Yung top two na sobrang kailangan namin, ‘yun po ‘yung inuna ko,” saad nito sa bagong vlog ni Dra. Vicki Belo.
Marami pang pangarap ang nais na tuparin ng batang aktres tulad na lamang ng pagpapa-aral sa kaniyang mga kapatid.
“‘Yung mga kapatid ko, nag-aaral pa rin po sila and gusto ko ma-achieve na mayroon akong napatapos na kapatid ko sa pag-aaral,” dagdag ni Diaz.
Para naman sa kaniyang sarili ay nais nitong makatapos ng kolehiyo. “Kasama sa dream ko ‘yung sa college. Kasi I believe hindi naman pang-forever ‘yung fame. So kailangan parati ka may fallback na mayroon kang ititira for yourself. And ‘yun ‘yung gusto, ko mag-college ako para kahit papaano, if ever magtayo ako ng business.”
“Kung mawalan man ako, pero huwag naman sana ngayon, ng work, at least mayroon pong naka-[antabay] sa akin na puwede kong pagkaabalahan in the future,” ayon pa dito.
Ikinuwento rin ng batang aktres kung paano ito nagsimula sa kaniyang career, kung saan dumaan muna ito sa hirap bago niya nakamit ang tagumpay sa kaniyang trabaho na nakatulong sa pag-abot ng kaniyang pangarap.
Marami man itong plano para sa sarili ay iginiit nitong masaya siya sa kaniyang trabaho bilang aktres.
Nakilala si Diaz sa teleseryeng “Kadenang Ginto” sa kaniyang role bilang si “Cassie,” kasama niya ang apat pang teen aktor at aktres na sila Andrea Brillantes, Seth Fedelin at ang ka love-team niyang si Kyle Echarri.
Magkakasama rin sila sa on-going na seryeng “Huwag kang Mangamba.”
(PHOTO CREDIT: Francine Diaz Pinterest account)

