SINABI ni Department of Health (DOH) Usec. Maria Rosario Vergeire na pinag-uusapan pa ng all-expert group ng pamahalaan ang rekomendasyon na bakunahan na rin laban sa COVID 19 ang mga batang may comorbidity.
Ayon sa opisyal, ito ay upang makasiguro ang pamahalaan sa bisa ng pagbabakuna sa mga bata at ang kaligtasan nang pagsasagawa nito.
Nilinaw naman ni Vergeire na mismong si Health Sec. Francisco Duque ang nagsabi na mayroon naman nang bakuna na nabigyan ng emergency use authorization para magamit sa mga edad 12 pataas.
Gayunman, nagdesisyon ang pamahalaan na unahin ang mga nakatatanda at mga may comorbidity na adult na mabakunahan dahil sa kulang na suplay at sila ang mas nahaharap sa peligro kapag tinamaan ng sakit.
Dagdag pa ni Vergeire, sinabi na rin ni Sec. Duque na masisimulan lamang ang pagbabakuna sa mga bata kapag sinabi ng mga eksperto at kung ipag-uutos na ng Inter Agency Task Force.

