Lima, arestado sa P190k shabu sa Caloocan at Valenzuela

LIMANG hinihinalang drug personalities ang arestado matapos makuhanan ng halos P.2 milyon halaga ng umano’y shabu sa isinagawang magkahiwalay na buy-bust operation ng pulisya sa mga lungsod ng Caloocan at Valenzuela.

Ayon kay Caloocan police chief Col. Samuel Mina Jr., dakong alas-4 ng madaling-araw ng Miyerkules nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PMaj. Deo Cabildo, kasama ang 6th MFC RMFB-NCRPO ng buy-bust operation sa King Arthur St., Brgy. 188, Caloocan City na nagresulta sa pagkakaaresto kay Jalal Lotao alyas “Dagul,” 21 anyos, Ismael Radiamoda, 27 anyos, at Criselle Sison, 23 anyos.

Narekober sa mga suspek ang humigit-kumulang sa 20 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price P136,000 at buy-bust money na isang tunay na P500 bill at 7 pirasong P1,000 boodle money.

Ayon kay Col. Mina, ang pagkakaaresto sa mga suspek ay resulta ng isang linggong validation ng mga operatiba ng SDEU matapos ang natanggap nilang impormasyon mula sa isang regular confidential informant hinggil sa umano’y illegal drug activity ng mga suspek.

Sa Valenzuela, dakong alas-11 ng Martes ng gabi nang maaresto din ng mga operatiba ng Valenzuela Police SDEU sa pangunguna ni PLt. Joel Madregalejo sa buy-bust operation sa kahabaan ng T. Santiago St. Brgy. Veinte Reales si Anjo Serfino, 28 anyos, mekaniko at Amjad Mahmoud, 26 anyos, na isang online seller.

Ayon kay SDEU investigator PSMsgt. Fortunato Candido, nakuha sa mga suspek ang humigit-kumulang sa 8 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P54,400, P500 buy-bust money, P640 cash, 2 cellphone at brown leather wallet.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.