TATLONG binatilyo na pauwi na sana sa kanilang tahanan sa Sta. Mesa, Manila ang namatay matapos masagasaan ng tren ng Philippine National Railways (PNR) habang naglalakad sa riles noong Linggo ng gabi.
Ang mga biktima ay kinilalang sina Alfred Visagar, 17 anyos, ng Bagumbayan, Bacood; Jayvee John Luna, 16 anyos, ng V. Fancisco; at Rico Devilla, 17 anyos, ng Peralta St., pawang sa Sta. Mesa, Maynila.
Batay sa ulat ng Manila Police District – Traffic Enforcement Unit (MPD-TEU), nabatid na dakong alas-6:25 ng gabi nang maganap ang insidente sa riles ng PNR sa Anonas St., Sta. Mesa.
Pauwi na sana umano ang mga biktima sa kani-kanilang mga bahay nang maisipan ng mga ito na dumaan sa riles.
Sa naunang ulat, sinabi ng isang residente na si Adrian Perlas na hindi kilala sa lugar ang mga biktima na balak lamang sanang maglaro ng basketball ngunit hindi batid kung saan tatabi nang marinig ang busina.
Hindi umano narinig ng mga ito ang busina ng dumarating na PNR train na may body number na 1831 at inu-operate nina Ronald Antonio at Eric Nase.
Dahil dito, nasagasaan ng tren ang mga biktima na hindi alam kung saan tatakbo nang mabulaga sila ng tren.
Sa tindi ng impact ay nadurog di-umano ang katawan ng mga biktima at naputulan pa ng ulo ang isa sa mga ito.
(May kasamang ulat ni Jonah Aure)

