Wanted, timbog sa baril at droga sa Navotas

NASAKOTE ng mga tauhan ng Maritime Police ang isang wanted person na nakuhanan ng baril at ilegal na droga sa isinagawang manhunt operation sa Navotas City kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni Northern NCR Maritime Police Station (MARPSTA) chief P/Major Randy Ludovice ang naaresto na si Brando Ubaldo, alyas “Brando Obendo.”

Ayon kay P/Major Ludovice, nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa pinagtataguan ng akusado sa isang floating house sa karagatan na sakop ng Pier 2, Brgy. NBBN, NFPC ng naturang lungsod.

Kaagad nagsagawa ang mga tauhan ng MARPSTA sa pangunguna ni PCpt. Luisito Balatico ng manhunt operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado dakong alas-12-55 ng hapon sa loob ng kanyang floating house.

Si Ubaldo ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Malabon City Regional Trial Court (RTC) Branch 169 Judge Emmanuel Laurea para sa dalawang kaso ng paglabag sa Sec. 11 ng R.A. 9208 Amended by R.A. 10364 o ang “Expanded Anti Trafficking in Persons Act of 2012” na kung saan ay walang inirekomendang piyansa.

Narekober sa suspek ang apat na plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana, isang caliber .45 pistol na may dalawang bala at isang magazine, at ilang drug paraphernalia.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.