WALA umanong hinihinging ibang kapalit ang bansang China para sa mga donasyong bakuna nito sa Pilipinas, maliban sa pananatili ng mga sasakyang pang-dagat nito sa karagatang sakop ng Pilipinas.
Ito ang tinuran ni Pangulong Duterte sa kanyang lingguhang televised national address nang kanyang sabihing walang anumang kabayarang hinihingi ang China maliban sa pananatili ng mga sasakyang dagat ng kanilang mga mangingisda sa pinag-aagawang teritoryo sa gawing kanluran ng bansa.
Sinabi ni Duterte na “no strings attached” ang ginagawang paglalapag ng China-made COVID-19 vaccines sa Pilipinas, pero sa hindi inaasahang pagkakataon, sinabi nitong hiling ng lider ng China na pahintulutang manatili ang mga sasakyang dagat nila sa karagatang sakop ng Pilipinas.
Kwento pa ng Pangulo sa kanyang Talk to the People nito lamang Lunes ng gabi, siya mismo ang nakiusap sa China para mabahagian ang Pilipinas ng mga bakuna kontra COVID-19 – at nananatiling walang anumang kabayaran para sa milyon-milyong vaccines.
“Until now, walang hiningi ‘yang China sa akin maski ballpen. Walang pinakiusap, wala lahat, except that their boats are there,” ayon sa Pangulo bilang tugon sa naglabasang balita hinggil sa presensiya ng mga barko ng China sa West Philippine Sea.
“Sabi ko naman, sinabi ko na ako rin sabi ko maglagay ako… Sabi ko, ‘I want my ships also there.’ I do not want war with anybody, not with China, lalo na Amerika kasi nandito sila sa lupa natin,” dagdag pa nito.
Ang mga bakunang dinivelop naman ng Sinovac Biotech ang sinasabing nakapagbigay ng coronavirus vaccine supply sa bansa kabilang na rito ang isang milyong donated doses.
Base sa mga ulat, hindi kinikilala ng Beijing ang 2016 ruling na nagbabasura sa historical claims nito sa South China Sea.
“As a feature or semblance of our claim, mayroon tayong mga barko diyan at saka hindi ko na papaalisin ‘yan. No way na magsabi ako, ‘atras kayo,'” wika ni Pangulong Duterte.
“Kung magkaletsehan, wala tayong magawa, we have to fight, because I am not about ready to retreat. Iyon lang,” dagdag na pahayag nito.
Nito lamang buwan ng Marso nang makita ang daan-daang sasakyang dagat ng China sa loob ng Exclusive Economic Zone na Pilipinas.
Makailang ulit na tinanggihan ng China na tugunan ang panawagan ng Pilipinas na alisin ang mga barko nito sa kabila pa rin ng pinaigting na maritime patrols sa lugar.

