NADAWIT ang pangalan ni Ormoc City Mayor Richard Gomez sa pinakahuling report ng Commission on Audit (COA).
Ito ay patungkol sa isang transaksiyon na nagkakahalaga ng P271.8 milyon nito lamang nakaraang taon.
Partikular na tinukoy ng naturang 2020 COA audit report ang pagbili nito ng kabuuang 6.29 tonelada ng bigas para sa mga residente ng nasabing lungsod noong mga buwan ng Marso, Abril, Hunyo, Hulyo at Agosto.
Lumalabas na sa kabuuang bilang na nabanggit, 1.63 tonelada nito ang walang kaukulang patunay na naipamahagi ang mga ito.
Para sa buwan ng Marso 2020, bumili ang pamahalaang lungsod ng Ormoc ng hindi bababa sa 2,000 sako ng bigas mula sa National Food Authority sa halagang P2.5 milyon.
Nang sumunod na buwan, dalawang ulit pang bumili ang Ormoc LGU ng karagdagang 62,500 sako ng bigas mula sa Pito Enterprises sa halagang P137.5 milyon mula sa 20 percent development fund ng nasabing lungsod.
Buwan naman ng Hunyo, dalawang transaksiyon ang muling pinasok ng Ormoc city government sa Pito Enterprises para naman sa pagbili ng 45,000 sako ng bigas sa halagang P96.75 milyon mula sa Bayanihan funds.
Nasundan pa ito ng dalawang ulit ng mga sumunod na buwan ng Hulyo at Agosto nang muling umorder ang Ormoc LGU ng 16,300 sako ng bigas – muli sa Pito Enterprises, sa halagang P35.04 milyon gamit naman ang kanilang general funds.
Lumalabas na mas mahal ng P1,000 kada sako ng bigas ang pagkakabili ng Ormoc LGU mula sa nag-iisang rice supplier kung saan sila bumili ng may kabuuang 123,800 sako ng bigas.
Hindi din bahagi ng mga isinumiteng dokumento ng Ormoc City government ang mga kaukulang dokumento para sa pinagbayaran nito na katumbas ng 1,526 na sako ng bigas.
Una nang sinabi ni Mayor Gomez na nagpamahagi sila ng tig-iisang sako ng bigas sa bawat pamilya ng lungsod. Gayunpaman, lumalabas sa 2020 census na ang Ormoc City ay mayroon lamang 230,998 populasyon o katumbas na 46,200 pamilya – malayo sa P125,800 na pamilyang katumbas ng dami ng bigas na binili ng pamahalaang lungsod.
Pinuna din ng COA ang ginawa ng lungsod na isinama ang transaksiyon sa ilalim ng “welfare goods expense” gayung dapat umano’y may angkop na imbentaryo ang lahat ng pinagbayaran nito sa bigas.
Ayon pa sa COA, tanging ang 2,000 sako ng NFA rice ang may kaukulang dokumentong nagpapatunay na tinanggap ng mga bayan ng Albuera, Kananga, Merida, Isabel at Palompon mga bigas bilang tulong ng Ormoc City sa mga karatig bayan.
Katwiran naman ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO) ng Ormoc, direktang ipinamahagi ng Pito Enterprises ang mga bigas na binili ng city government mula sa kanila.
Bagama’t mayroong isinumiteng Requisition and Issue Slips at Distribution Sheets ang Ormoc LGU, hindi naman malinaw kung ang lahat ng target na pamilya mula sa 110 barangay ng nasabing lungsod ay nabahagian ng tulong.
Hindi din umano tugma ang datos ng mga nasabing dokumento.
“The 1,526 sacks of rice are presumably not distributed and are still on hand, in the absence of any document showing that these were not received by the household beneficiaries. No inventory of undistributed goods was prepared and submitted to the audit team,” ayon sa COA report.
Inamin naman ng tanggapan ng city administrator na mayroon pang lumabis na supply ng bigas na kanilang inilipat sa pag-iingat ng City Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) – isang bagay na pinabulaanan ng nasabing tanggapan dahil wala silang pasilidad na maaaring paglagyan ng nawawalang 1,526 sako ng bigas.

