ANG mga lokal na pamahalaan sa lalawigan ng Rizal tulad ng mga bayan ng Taytay, Angono at Binangonan ay nananawagan sa Department of Health (DOH) ng dagdag na supply ng bakuna.
Ayon sa mga lider ng mga bayang nabanggit, malayo pa sa aktwal ng bilang ng mga naka-iskedyul na mabakunahan ang dumarating na supply ng bakuna.
Sinabi pa nila na ito din ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay maliit na bahagi pa lamang ng kanilang populasyon ang nababakunahan.
Sa pinag-isang pahayag, hiniling nina Mayor Joric Gacula ng Taytay, Jeri Mae Calderon ng Angono at Cesar Ynares ng Binangonan sa DOH ay pagbatayan ang social acceptability ng mga LGUs pagdating sa pamamahagi ng supply ng bakuna upang maiwasan ang pagkakahimpil ng mga bakuna sa mga storage facility, at kalauna’y pagkasayang nito.
Sabi ni Gacula, halos araw-araw silang nakikiusap sa DOH na dagdagan ang alokasyon para sa Taytay subalit laking gulat niya nang 3,000 doses lamang ang dumating para sa kanilang 400,000 na populasyon na nangangailangan ng 800,000 doses.
Base sa 2020 Census Report ng Philippine Statistics Authority, pangalawa ang Taytay sa mga pinakamalalaking munisipalidad sa buong Pilipinas batay sa populasyon.
Ayon naman kay Mayor Calderon ng Angono, dapat madagdagan ng kagawaran ang alokasyon ng mga bayang may mataas na social acceptability ng bakuna tulad ng Angono, kung saan madaling maaabot ang herd immunity sa local level. Sa pinakahuling tala, 2,000 doses lang ang natanggap ng bayang higit na kilala bilang Arts Capital of the Philippines.
Sa pahayag naman ni Mayor Ynares ng Binangonan, lubha silang nalulungkot na paudlot-udlot ang bakunahan sa kanilang bayana dahil wala nang maiturok ang kanilang mga local vaccinators. Batay sa datos ng DOH regional office, ang Binangonan ay nakatanggap lamang ng 3,000 doses, o katumbas ng isang porsiyento lamang ng kanilang populasyon.
Una nang nanawagan ang League of Municipalities of the Philippines – Rizal Provincial Chapter, kay DOH Regional Director Dr. Eduardo Janairo para sa karagdagang bakuna na naaayon sa populasyon at social acceptability ng bakuna ng mga lokalidad.

