KRITIKAL ngayon sa ospital ang isang ginang at kanyang menor de edad na anak na lalaki matapos pagsasaksakin ng live-in partner sa Malabon City nitong Linggo ng gabi.
Kapwa inoobserbahan sa Tondo Medical Center sanhi ng mga tinamong saksak sa kanilang katawan si Emelda Carta, 52 ng Block 26, Lot 2, Samapil Sitio 6, Brgy. Catmon at kanyang anak na si Erwin, 17-anyos.
Ayon kay Police Col. Albert Barot, chief of police ng Malabon, nadakip naman ng rumespondeng mga tauhan ng Sub-Station 4 at mga barangay tanod sa isinagawang manhunt operation ang suspek na nakilalang si Cesar Catudio, 56, at narekober sa kanya ang ginamit na patalim.
Sa imbestigasyon nina Police Staff Sgt. Ernie Baroy at Police Staff Sgt. Mardelio Osting, dakong alas-7:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa loob ng bahay ng mga biktima matapos kumprontahin ng lasing na suspek ang anak ni Carta at sinabihan “papasok ka lang dito pagkakain ka” na naging dahilan ng kanilang pagtatalo.
Sinuntok ng suspek sa ulo ang binatilyo na naging dahilan upang mauwi ang mga ito sa suntukan hanggang sa kumuha ng patalim si Catudio saka sinaksak sa dibdib at kaliwang balikat ang biktima.
Tinangka namang umawat ni Emelda subalit, sinaksak din ito ng suspek sa likod at kaliwang balikat bago tumakas habang isinugod naman ang mga biktima ng kanilang mga kapitbahay sa naturang pagamutan.

