NAG-ORGANISA ng rolling kitchens ang Philippine Red Cross (PRC) upang tulungan na magkaroon ng agarang makakain ang mga komunidad na apektado ng enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila at mga kalapit na probinsya.
Sa pamamagitan ng “Hot Meals on Wheels” ng PRC, nagbibigay ito ng ready-to-eat meals para sa mga apektadong komunidad ngayong lockdown.
Nasa 23 hot meals on wheels ng PRC ang ipapakalat sa Caloocan, Manila, Las Pinas, Malabon, Navotas, Marikina, Pasay, Quezon City, Valebzuela at kalapit na probinsiya gaya ng Rizal, Cavite at Bulacan.
Sinabi ni PRC Chairman at CEO Senator Richard Gordon na hindi lahat ay may kakayahan na itawid ang ECQ kaya naman naghanda aniya ang PRC at nagdeploy ng mga food trucks.
Ayon kay Gordon, ang inisyatibang ito ay tugon sa muling pagpapataw ng mahigpit na community quarantine measures kung saan hinigpitan ang mga residente na lumabas.
Idedeploy ang mga food trucks ng PRC sa 12 PRC chapter sa Metro Manila at mga kalapit probinsiya na layong makapamahagi ng mainit na pagkain sa 13,000 indibidwal.
Bukod dito, maglalagay din ang PRC ng welfare desk at first aid station upang masiguro ang kaligtasan ng mga residente at mahigpit na susunod sa prevention control measures laban sa COVID-19.
(PHOTO CREDIT: pna.gov.ph)

