UMAASA ang Department of Health (DOH) na maipatutupad ng mga local government units ang “no wrong door” policy lalo na sa mga nakatatanda o A2 priority group.
Kasabay nito, nanawagan si DOH Usec. at spokesperson Maria Rosario Vergeire sa mga LGUs na kapag may dumadating sa kanila, lalo ang mga senior para magpabakuna ng second dose pero sa ibang LGU ito nabakunahan ng first dose, ay dapat pagbigyan na para hindi maipagpaliban ang kanilang iskedyul.
Tandaan aniya na ang ating mga nakakatanda ay sila ang pinaka-vulnerable ngayon sa Delta variant na tumataas ang mga kaso dito sa ating bansa.
‘So, hopefully our local government will implement this ‘no wrong door’ policy,” pahayag pa ng DOH official.
Sa kabilang dako, ipinaalala rin nito na kailangan din maintindihan ng mga kababayan na minsan, ang deliveries o supplies sa isang LGU ay husto lang talaga para sa target nilang mababakunahan.
“Sana naiintindihan din po na as much as you can, go to your own local government kasi dun po kayo nakalista,” dagdag pa ni Vergeire.
Kung saka-sakali naman aniya na dumating sa sitwasyon na merong nagkakatsansa na pumunta sa ibang LGU para sa kanilang second dose, dapat na aniyang pagbigyan dahil ang supplies o bakuna naman aniya ay napapalitan maya’t-maya ng national government.

