AABOT sa kabuuang P10.894 bilyon ang inilabas na pondo ng Department of Budget and Management (DBM) upang ipamahagi na tulong pinansyal sa mga naapektuhan ng panibagong pagpapairal ng enhanced community quarantine (ECQ) sa National Capital Region hanggang sa Agosto 20.
Ayon sa kalatas ng DBM, ang cash aid ay direktang ibibigay ng Bureau of Treasury sa mga local government unit (LGU) sa pamamagitan ng awtorisadong government servicing banks.
Matapos matanggap ay ipauubaya na sa mga LGU ang pagpapatupad ng epektibong sistema na maibibigay sa mga tunay na nangangailangan at benepisaryo ang tulong pinansyal.
“Upon receipt of the funds, the LGUs shall facilitate and determine the most efficient and effective way for the provision of financial assistance to their constituents,” ayon sa DBM.
Ang mga indibidwal at pamilyang may maliliit na kinikita ay makatatanggap ng P1,000 bawat indibdiwal o maximum na P4,000 sa bawat pamilya.
Makikinabang sa cash assistance ang tinatayang 10.9 milyong indibidwal o 80-porsyento ng populasyon sa Metro Manila.
Nuong Lunes ay inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpopondo para sa cash aid ng mayorya ng populasyon sa Metro Manila.
Ang pondo ay hinugot mula sa sertipikadong savings ng gobyerno mula sa Fiscal Year 2020 Continuing Appropriations.
“In addition, the distribution of the assistance will be monitored by the Department of the Interior and Local Government and the Department of Social Welfare and Development,” ayon pa sa Budget Department.
“To ensure the proper utilization of the funds, the beneficiary LGU shall comply with the posting and reporting requirements specified in the DBM Local Budget Circular No. 138,” dagdag nito.

