Miyembro ng Commando Gang at nasa drug watchlist, itinumba sa Maynila

Isang lalaking miyembro umano ng Commando Gang at kasama sa barangay drug watchlist ang namatay matapos pagbabarilin ng nag-iisang gunman habang sakay ng kanyang bisikleta.

Bibili sana ang biktima ng pagkain sa Malate, Maynila nitong Miyerkoles ng hapon nang tambangan ito ng hindi pa nakikilalang salarin.

Ang biktimang nakilala bilang si Abraham Damil, 30, at residente ng 1254 A. Gonzalo St., Malate, ay kaagad na binawian ng buhay dahil sa mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng suspek, na inilarawan lamang na nakasuot ng kulay gray at itim na jacket, shorts, pulang bull cap at face mask.

Batay sa ulat ni PMSgt. Dennis Suba, imbestigador ng Manila Police District (MPD)- Homicide Section, nabatid na dakong alas 4:40 ng hapon nang maganap ang krimen sa C. Tuazon St., kanto ng San Andres, sa Malate.

Sakay umano ng kanyang bisikleta ang biktima at bibili sana ng pagkain ngunit pagsapit sa lugar ay bigla na lang sumulpot ang suspek na nakakubli sa likod ng isang jeep at kaagad na pinagbabaril ang biktima bago mabilis na tumakas.

Ayon sa pulisya, kasama sa drug watchlist ng barangay ang biktima kaya’t isa ang ilegal na droga sa mga iniimbestigahan nilang posibleng motibo sa pagpatay.

Patuloy ang imbestigasyon sa kaso para sa agarang ikareresolba nito

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.