Iminumungkahi ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang isang P24-bilyong wage subsidy program na naglalayong mapanatili ang mga trabaho ng mga Pilipino sa gitna ng mapanghamong sitwasyon sa negosyo na dulot ng krisis sa COVID-19.
Sinabi ni Labor Assistant Secretary Dominique Tutay sa isang press briefing na tinatrabaho na ng DOLE ang mungkahing wage subsidy program, kung saan magbebenepisyo ang halos 1.4 milyong manggagawa.
Ayon pa kay Tutay, layon nito na ma-preserba ang kasalukuyang trabaho.
Para aniya sa P24 bilyon na kakailanganing pondo, maghahanap pa ang kagawaran ng mapagkukuhanan ng pondo dahil ito ay nasa “proposal stage” pa lamang.
Binigyang-diin ng opisyal ang pangangailangan ng wage subsidy na kapag naibalik ang National Capital Region (NCR) Plus bubble sa enhanced community quarantine (ECQ), ang mga mawawalan ng trabaho ay nasa 8,000 hanggang 9,000 kada linggo.
Sinabi naman ni Department of Trade and Industry Director Jerry Clavesillas, na nang isailalim ang NCR at kalapit probinsya sa mas mahigpit na quarantine level, ang bilang ng mga negosyo na magsasara ay aabot sa 15 percent mula 4 percent nang mailagay sa general community quarantine ang lugar.
Dahil sa hindi gaanong mahigpit na binagong ECQ, sinabi ni Clavesillas na 13 percent lamang ng mga negosyo ang nagsara.
Samantala, magsasagawa ang DOLE ng national online job fair sa Mayo 1.
Sinabi ni Tutay na mayroong humigit-kumulang 18,000 mga bakanteng trabaho mula sa 488 na mga employer sa buong bansa na available sa job fair.

