Ika-pitong pampublikong ospital sa Maynila, itatayo na

Itatayo umano ang Manila COVID-19 Field Hospital, na siyang magiging ika-pitong pampublikong ospital sa lungsod, na matatagpuan sa isang bakanteng lote sa tapat ng Quirino Grandstand at may lawak na 2.8 hektarya.

Maaari naman umanong maglagay ng 336 COVID beds para sa mild at moderate cases sa pinaplanong ospital.

Sinabi ni Manila Mayor Francisco Domagoso na kumpleto rin sa pasilidad at kagamitan ang itatayong COVID-19 field hospital.

Aniya, sakaling maitayo ang nasabing bagong ospital ay maaari nang mailipat ang mga pasyente na nakararanas lamang ng mild at moderate na kondisyon.

Ang mga COVID beds naman sa anim na pampublikong ospital ay gagawing Intensive Care Unit (ICU) upang may mapaglagyan ang mga pasyenteng nasa severe at critical condition dulot ng sakit na COVID-19.

Bukod dito, sinabi pa ng alkalde na bibili rin ang pamahalaang lungsod ng Maynila ng mga makina at mga specialized electrical beds upang magkaroon ng sapat na mga kagamitan para sa mga karagdagang ICU beds.

Inaasahan namang  magsasagawa ng “groundbreaking ceremony” sa Martes hinggil sa pagtatayo ng nasabing field hospital upang masimulan na pagtatayo nito. 

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.