Gobyerno, hinikayat magpatupad ng mandatory quarantine period sa mga ROFs

HINIKAYAT ng OCTA Research Group ang pamahalaan na magpatupad ng mandatory quarantine period para sa mga returning overseas Filipinos (ROFs) matapos ang pagkakadiskubre sa isang COVID-19 variant sa France na hindi kayang ma-detect ng Reverse Transcription-Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) tests, na siyang itinuturing na gold standard pagdating sa coronavirus testing.

Nabatid na kalagitnaan ng Marso nang matuklasan ng mga health authorities ng France ang COVID-19 variant na hindi natutukoy ng PCR tests ngunit hanggang sa ngayon ay wala pa namang impormasyon kung mas nakahahawa o mas mapanganib ang naturang variant.

May bagong variant na hindi na-dedetect ng PCR test…Kung ganun ibig sabihin ayusin natin ang international travel protocols natin,” pahayag ni Prof. Guido David ng OCTA Research.

Dapat pag may papasok na returning Filipinos o tourists dapat mandatory na ang quarantine period kasi hindi nade-detect ng PCR,” mungkahi pa niya.

Samantala, inaasahan ng grupo na mag-uumpisang bumagal ang pagdami ng mga kaso sa susunod pang linggo makaraang ilagay ang NCR Plus sa modified enhanced community quarantine (MECQ) mula sa mas mahigpit na lockdown na enhanced community quarantine (ECQ).

Gayunman, aminado si David na matatagalan pa at posibleng umabot pa ng Hunyo o Hulyo bago maibalik muli sa 1,000 to 2,000 kada araw ang maitatalang bagong kaso ng sakit.

Matagal pa yung 1,000 to 2,000 cases per day natin, if it happens baka bandang June or July. Mas mahirap kasi mapababa ang number of cases,” paliwanag ni David.

Aniya pa, kailangan ring mapabilis ang vaccination program sa bansa.

Base sa kanilang simulation, kapag nabakunahan ang nasa isang milyong tao sa NCR, mapapababa ang reproduction rate sa 0.1 at kung umabot naman ito sa dalawang milyon ay maaaring mapatag na ang kurbada ng COVID-19.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.