MABIGAT at napakahabang pila ng mga sasakyan sa inilatag na checkpoints sa istratehikong lugar sa National Capital Region at apat na kalapit lalawigan o ang NCR Plus ang naranasan sa unang araw ng ipinatutupad na enhanced community quarantine (ECQ) part 2.
Inobliga ang mga motoristang dumaraan sa checkpoint na magpakita ng kanilang ID, certificate of employment, business permit at iba pang dokumento na nagpapatunay na sila ay authorized persons outside residents (APOR) at mahalaga ang kanilang pagbiyahe.
Ang ilang motorsiata na hindi maituturing na APOR at walang naipakitang dokumento ay hindi pinalusot sa mga boundary.
Sa bahagi ng boundary ng Caloocan City at San Jose del Monte, Bulacan naging mahigpit ang pagsasala sa mga motorista kaya’t dakong alas-5:30 pa lamang ng madaling araw ay mabigat na ang daloy ng trapiko.
May ilang motorista na pinauwi sa boundary ng Muntinlupa City at San Pedro, Laguna dahil walang dokumento. Ganito rin ang naranasan sa boundary ng Quezon City at San Mateo, Rizal, partikular na sa Batasan-San Mateo Road.
Maliban sa mga sasakyan, mahaba rin ang pila ng mga taong naglalakad lamang sa mga boundary dahil sa masusing inspeksyon ng mga ID at dokumento pati na ang kanilang temperature.
Hinuli rin ng mga awtoridad ang ilang indibidwal na hindi nakasuot ng face mask, walang driver’s license at walang katanggap-tanggap na dahilan para maituring na sila ay APOR.
Naging mabigat din ang daloy ng trapiko sa Marcos Highway, sa boundary ng Marikina City at Rizal province dahil sa checkpoint. Hiwalay ang pila ng mga motorsiklo at ipinagbawal ang pagsisingit.
Samantala, may ilang pampasaherong sasakyan ang pinababa ang mga pasahero dahil sa hindi pagsunod sa one-seat-apart policy.
Aabot sa 1,106 na checkpoint ang inilatag ng Philippine National Police (PNP) sa National Capital Region, Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal o NCR Plus sa loob ng isang linggong pag-iral ng ECQ.
Halos barangay 800 checkpoint sa Metro Manila
HINDI bababa sa 720 barangay checkpoints ang inilagay sa iba’t-ibang lugar sa Metro Manila sa gitna ng muling implementasyon ng ECQ.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG), bago payagan ang latag ng 728 barangay checkpoints ay kailangang nakipag-ugnayan muna ang local government units sa kalapit na istasyon ng pulisya. Bawal aniya ang paglalagay ng checkpoint na walang permiso ng DILG at PNP upang hindi magkaproblema sa pamantayan na ipinatutupad ng national government patungkol sa pag-iwas sa hawaan ng COVID-19.

