Pagtatayo ng judicial building sa Caloocan, matutuloy na

Pagkatapos ng matagal na panahon at kahit sa gitna ng pandemya, matutuloy na din ang pagtatayo ng bagong Caloocan City Judicial Building.

Ginanap kamakailan ang groundbreaking ceremony para sa naturang gusali. Pinangunahan ito ni Chief Justice Diosdado Peralta ng Korte Suprema at ni Mayor Oca Malapitan, kasama ang iba pang matataas na opisyal ng lungsod.

Ang pitong palapag na gusali na may dalawang basement ay itatayo sa lupang pagmamay-ari ng pamahalaang lungsod na matatagpuan sa tabi ng New Caloocan City Hall sa Grace Park.

Tinatayang matatapos ang gusali sa katapusan ng taong 2022.

Ang proyekto ay bahagi ng pagtutulungan ng sa pagitan ng lungsod ng Caloocan at ng Korte Suprema. Ayon kay Malapitan, bago pa man dumating ang pandemya ay nakaplano na ang pagpapatayo ng nasabing gusali.

Dumating tayo sa punto na akala natin hindi na ito maisasakatuparan dahil sa pandemyang ating kinakaharap, subalit hindi po tayo pinabayaan ng Panginoon at iniadya niya na matupad ang aking ipinangakong bagong Justice Building para sa mga mamamayan ng Caloocan,” ani Mayor Oca.

Nagpasalamat din si Malapitan sa Korte Suprema at kay Chief Justice Peralta at maging kay Department of Public Works and Highways Secretary Mark Villar, na nagpaabot rin ng kaniyang suporta sa proyekto.

Ipinaabot din ni Chief Justice Peralta ang kaniyang pasasalamat kay Mayor Oca para sa proyektong ito

Ito pong proposed Judicial Building ng Caloocan ang pinakatamaas at pinakamagandang Judicial Building na ating nakitang isinakatuparan ng mga LGU,” pahayag ni CJ Peralta.

Bukod dito, binati rin ni CJ Peralta ang Caloocan at sinabing malaki na ang pag-unlad nito pagdating sa kalinisan at kaayusan kumpara noon.

Pagtitiyak naman ni Mayor Oca na magpapatuloy ang mga programang para sa tao hanggang sa huling taon ng kanyang termino, habang pinaka-prayoridad pa rin ang paglaban sa pandemya.

Dumalo rin sa programa sina Cong. Along Malapitan , Coun. Enteng Malapitan, City Administrator Oliver Hernandez, mga opisyales at kinatawan lungsod, Korte Suprema at Caloocan City Regional Trial Court.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.