DAPAT umanong ihanda na ang sapat na panahon o timeline’ kung seryoso ang kongreso sa isinusulong na ‘charter-change’ sa bansa.
Ito mismo ang iginigiit ni House Ways and Means Chairman at Albay Representative Joey Salceda kaugnay sa pagbubuhay muli ng kongreso sa isinusulong nitong charter-change o ‘cha-cha’.
Ayon kay Salceda, nababawasan ang panahon para sa pagsusulong nito dahil sa mahigpit na proseso na kailangang pagdaanan bukod pa rito ang pagkaka abala dulot ng pandemya.
Dapat aniyang maisulong at maisakatuparan ang amyenda sa economic provisions bago pa man ang paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) sa Oktubre.
Kung si Salceda na isa ring ekonomista ang tatanungin ay pabor siya na luwagan ang restrictions sa ekonomiya sa mga dayuhan.
Ang paghihigpit aniyang ito ang naging dahilan kaya naungusan na ang bansa sa national development ng mga kalapit nitong mga bansa tulad ng Vietnam, Thailand at Malaysia.
Kung patuloy naman aniyang nakatali ang kamay ng bansa sa mahigpit na foreign ownership ay tiyak na mahihigitan na tayo ng Myanmar at Cambodia.
Dagdag pa ni Salceda, dahil sa restrictions ay nagdulot lamang ito ng paglawak ng monopolies at oligopolies sa ekonomiya at nagbigay lang ng katiting na pag-unlad sa bansa.

