90 pampublikong paaralan, lalahok sa pilot implementation ng limitadong face-to-face classes

KINUMPIRMA ng Department of Education (DepEd) na nasa 90 mga pampublikong paaralan sa bansa ang lalahok sa “pilot implementation” ng limitadong face-to-face classes sa mga COVID-19 low-risk areas sa darating na Nobyembre.

Sinabi ni Deped Sec. Leonor Briones sa press briefing sa Malakanyang na sa nasabing bilang ng mga paaralan, nasa 93.2 percent ng mga personnel, guro at staff ay fully vaccinated o ganap nang bakunado kontra COVID-19.

Tiwala naman si Briones na makukumpleto nila ang target na 100 public schools dahil kahit sinabi nitong mayroong mga paaralang umatras, mayroong ibang mga eskwelahan at lokal na pamahalaan ang nagpahayag ng pagnanais na makibahagi sa pilot run.

Alinsunod sa plano, sinabi ni Briones na aarangkada sa Nobyembre 15 ang pilot run ng limited face-to-face classes sa mga pampublikong paaralan na kasama sa listahan.

Samantala, sinabi ni Briones na sa Nobyembre 22 naman ang target para sa mga pribadong paaralan.

Sa ngayon ay may ugnayan na ang DepEd at Department of Health para sa risk assessment sa private schools, maging sa international schools.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.