Binigo ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) person deprived of liberty (PDL) escort ang mga armadong kalalakihan na tumambang sa kanila at hinihinalang agawin sa kanila ang inieskortan inmate na isang Chinese national makaraang gantihan ng mga escort ng putok ng baril ang mga salarin nitong Lunes, April 7, 2025 sa Paranaque City.
Ang pakikipagputukan ng mga tauhan ng BJMP laban sa mga salarin ay nagresulta sa pagkakaaresto ng anim na kalalakihan sa tulong ng mga rumespondeng tauhan ng Paranaque City Police.
Sa ulat, nangyari ang insidente bandang 12:20 p.m. sa service road ng Cavitex habang sakay ng BJMP Transport Vehicle (BTV), ang PDL na si Hu Yang, pabalik sa BJMP facility sa Barangay La Huerta, Parañaque City makaraang humarap sa court hearing sa Makati RTC Branch 235.
Sakay ng black sedan at Mitsubishi Xpander ang mga salarin, tinambangan at pinaputukan nila ang sasakyan ng BJMP dahilan para gumanti ang mga escort at tamaan ang isa sa sasakyan ng mga salarin.
Pinaharurot patakas ng driver ang black sedan habang ang Mitsubishi Xpander (NKM 2122) ay bumangga sa isang puno sa Las Piñas–Parañaque Wetland Park. Tumakas at iniwanan ng mga suspek ang sasakyan patungong mangrove forest ng Wetland.
Sa barilan, tinamaan at sugatan naman si JO2 Leif Joseph Talanquines sa kanyang kaliwang balikat at isinugod Ospital ng Parañaque habang si Yang ay dinala sa jail facility.
Nadakip naman sa may Wetland Park area ang mga salarin ng mga operatiba ng Parañaque PNP SWAT sa pangunguna ni PCpt. Dennis B. Velasco.
Nadakip ay nakilalang sina James Bales Lasam, 28; Jerome Pascua Salvador, 31; Jerry Calino Ecalde, 30; and John Paul Chua, 51, paweang Filipino nationals at sina Yang Yang Shin, 25, and Wang Hongjie, 25, kapwa Chinese nationals.
Narekober sa mga salarin ang isang replica grenade, U.S. dollar bills, isang .357 Magnum revolver na may mga lamang bala kung saan ang isa ay pinaputok, gayundin ang mga hinihinalang ilegal na droga at parapernalya.
Patuloy naman nagsasagawa ng imbestigasyon ang BJMP na pinamumunuan ni Director Ruel Rivera at PNP para matukoy ang motibo ng pag-atake ng mga salarin, kung ito ba ay isang simpleng ambus o tangkang pang-aagaw sa PDL.
Kaugnay nito, ayon naman kay BJMP Public Information Office chief, JSupt. Jayrex Bustinera, sinabi ni Dir. Rivera na nakatakdang parangalan ang mga jail personnel sa ipinakita nilang katapangan. (Almar Danguilan)