PANIBAGONG batch muli ng 500 bilang na Person Deprived of Liberty (PDLs) ang inilipat kahapon sa San Ramon Prison and Penal Farm (SRPPF) sa Zamboanga bilang bahagi ng patuloy na decongestion plan ng Bureau of Corrections (BuCor).
Kabilang sa mga inilipat ang 56 PDLs na nasa Maximum Security Camp at 444 naman sa Medium Security Camp ng New Bilibid Prison ko ( NBP).
Pinamunuan ni Chief Inspector Henry Avila at 141 escorts ang ligtas na paglilipat ng mga PDLs patungong Manila Port bago sumakay ng barko patungong Zamboanga.
Alas 2:45 ng hapon nang umalis ang convoy mula sa NBP papunta sa Manila Port at isinakay sa vessel para ihatid sa SRPPF.
Sinabi ni BuCor Director General Gregorio Pio Catapang Jr. layunin ng hakbang na ito na bawasan ang pagsisikip sa NBP at mapabuti ang rehabilitasyon ng mga PDLs.
Dagdag pa ng BuCor director, bago matapos ang Abril, ililipat naman ang karagdagang 300 PDLs patungo sa Palawan Prison and Penal Farm, 400 sa Sablayan Prison and Penal Farm, at isa pang 300 sa Davao Prison and Penal Farm.
Ang hakbang na ito ay patungo sa tuluyang pagsasara ng NBP sa 2028, isang malaking hakbang sa reporma sa correctional system ng bansa.
Binigyang diin ng opisyal, ang Bagong BuCor sa Bagong Pilipinas ay naglalayong gawing rehabilitative kaysa punitive ang ating correctional system, kasabay ng pagpapabuti ng seguridad at kapakanan ng mga PDLs.

