HULI ang sampung katao sa dalawang scam hub nang salakayin ng National Bureau of Investigarion (NBI) at maaktuhan pa sa harap ng mga computer na nakikipag-usap sa kanilang kliyente, sa Bacoor, Cavite.
Base sa ulat ng NBI-Cavite North District Office (CAVIDO) kay NBI Director Jaime Santiago, isinailalim na sa inquest proceedings sa Bacoor City Prosecutor’s Office ang mga hindi pinangalanang suspek sa paglabag sa Republic 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012) at R.A. 12010 (Anti-Financial Accounts Scamming Act).
Napag-alaman matapos makatanggap ng impormasyon ang NBI-CAVIDO North ay agad nagsagawa ng surveillance laban sa dalawang residential houses na ginagamit na scam hub, kung saan mga Pinoy ang nagpapatakbo na sinasabing foreign national umano ang may-ari.
Nang makakuha ng Warrant to Search, Seize, and Examine Computer Data (WSSECD) ay agad isinakatuparan ang pagsalakay sa lugar.
Nitong nakalipas na Agosto 19, 2025, ipinatupad ng NBI-CAVIDO North, kasama ang lokal na pulis, ang WSSECD sa mga bahay na tinukoy.
Ang mga suspek ay nadatnan na nakikipag-usap sa mga kliyente gamit ang mga pekeng social media account.
Nakumpiska ang maraming SIM card at iba’t ibang cellular phone.
Sa isinagawang on-site examination ng NBI Cybercrime Division (NBI-CCD) natukoy na ang mga suspek ay sangkot sa fraudulent scheme, gamit ang data, scripts, notes, spiels at mga program para sa illegal access, misuse of devices,computer- related fraud at social engineering scheme.
Ipinaalala ni Santiago sa publiko na maging mapagmatyag kapag nakikipag-ugnayan sa social media at digital platform, dahil mabilis na tumataas ang bilang ng mga krimen na ginagawa online.

