4-buwan sanggol, positibo sa COVID-19

Share this information:

IN PHOTO: KARGA ng isang nurse habang inaalagaan sa loob ng ambulansya sa Pasay City ang 4-buwan na sanggol kung saan taglay na nito ang sakit na COVID-19 kapag-panganak sa kanya.

NANAWAGAN ngayon ang pamahalaang-lungsod ng Pasay sa mga mamamayan , partikular sa mga magulang na may mga anak na sanggol na pag-ibayuhin ang pag-iingat at pagsunod sa mga itinakdang health protocols upang mapigilan ang pagkalat ng Covid-19.

“Doblehin po natin ang pag-iingat sapagkat wala po talagang sinasanto ang sakit na ito at hindi namimili kung bata o matanda ang magiging biktima,” pahayag ni Mayor Emi Calixto-Rubiano.

Kasabay nito ay nanawagan din siya sa mga mamamayan na makiisa sa isasagawang citywide vaccination program laban sa virus upang tuluyan ng masugpo ang pagkalat nito.

“Mapanganib talaga ang sakit na ito at ang isa sa mabisang panlaban ay ang isasagawa nating immunization campaign at kung mahal natin ang ating mga pamilya ay dapat makiisa tayo at suportahin natin ito,” wika ni Rubiano.

Ang panawagan ay ginawa niya kasunod ng ulat na isa sa nagpositibo virus ay isang batang babae na apat na buwang gulang pa lamang.

Nang malaman ni Mayora Emi ang sitwasyon ng bata at nanay nito na positibo rin ay lubos siyang nabahala at naawa sa mag-ina.

Tiniyak niya na ibibigay ng pamahalaang-lungsod ang lahat na kailangang tulong para matiyak ang kaligtasan ng sanggol at ang nanay nito.

“Makakaasa po silang mag-ina ng tulong mula sa ating lokal na pamahalaan sapagkat bilang isang ina rin ay talagang nag-aalala ako at hindi ko po maisip ang aking gagawin kung malalagay sa panganib ang aking anak na sanggol,” ani pa ng alkalde.

Sinabi rin niya na patuloy ang pamahalaang -lungsod sa pagkilos upang sugpuin ang pagkalat ng virus.

“Ang ating lokal na pamahalaan ay patuloy po na gumagawa ng mga hakbangin upang agarang mapigilan ang pagdami ng kaso sa pamamagitan ng mas aktibong contact tracing, RT-PCR testing at maraming iba pa,” ani pa nito.

“Subalit mababalewala ang lahat ng ito kung hindi makikipagtulungan ang ating mga mamamayan at maaaring mapahamak pa po ang mga walang muwang na mga bata,” dagdag pa niya.

Idinagdag din niya na habang wala pa ang vaccines ay dapat ugaliing gawin ng mga tao ang E.M.I habit na ang ibig sabihin ay – Ensure to always wash your hands – Mask is a MUST at – Implement physical distancing.

Kaugnay nito, sinabi ng nurse na si Mark Anthony Ejercito Castillo nakatalaga sa City Disaster Risk Reduction and Management Office , na siyang unang rumesponde ng malaman nila na positibo sa Covid-19 ang bata, na inilipat na nila sa MOA Quarantine Facility ang sanggol kasama ang kanyang 23-anyos na ina.

Hinala nila na nakuha ng bata ang virus dahil madalas silang magkasama ng kanyang ina na nagpapadede rin dito.

Para mas matiyak na mabibigyan ng atensyon ay inilipat nila sa malapit sa nurse station ang kuwarto ng mag-ina sa quarantine facility.

Sa panayam ay sinabi ni Castillo na malamang na nakuha ng bata ang virus dahil hindi pa lubusang na-develop ang anti-bodies nito na maaari sanang panlaban upang di siya magkasakit.

“Nanawagan po kami sa ating mga magulang na sana ay doblehin ang pag-iingat upang di malagay sa panganib ang buhay ng ating mga anak,” sabi ni Castillo.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.