HULI ang hindi bababa sa tatlumpung indibidwal habang nagpa-party sa isang bar sa Makati City makaraang ma-monitor ng pulisya ang live video sa social media ng kanilang kasiyahan, Biyernes ng gabi.
Dinampot ng pulisya ang may 34 indibidwal, kabilang ang siyam na dayuhan, na nahuling nagpa-party sa Kartel Rooftop bar sa Barangay Poblacion, Makati City at sinasabing nalalabag ang social distancing at health protocols na pinaiiral ng gobyerno.
Ayon kay Makati police chief Police Col. Oscar Jacildo, isa sa mga kustomer sa bar ang naglive video ng kasiyahan. Sinasabing limitado lamang ang access ng mga tao sa rooftop ng bar.
Pinasok ng mga awtoridad ang bar at nakita ang mga naruon na nag-iinuman na walang suot na facemask, nagsasayawan at hindi rin nasusunod ang physical distancing.
Dinala ang mga naaresto sa Makati Central Police Station para bigyan ng citation tickets para magmulta ngunit makalipas ang tatlong oras ay pinakawalan na rin sila.
Pumalag pa ang mga Aleman na iginiit na hindi sila maaaring mabigyan ng tiket dahil sila’y mga diplomat, ngunit itinuloy pa rin ng Makati Public Safety Department dahil wala umano silang immunity.
Ang isa rin sa mga nagparty ay nagtangkang makipagtalo pa sa mga pulis at nagsabing may politikong kaibigan.
Sinabi ni Jacildo na suspendido ang operasyon ng bar sa ngayon at nakatakda umanong magpatupad ng closure ang Makati City Business Permits and Licensing Office sa susunod na linggo.
Sa ilalim ng Makati City Ordinance No. 2020-152, ipinagbabawal ang pag-inom ng alak sa labas ng kanilang bahay sa lungsod sa ilalim ng umiiral na state of calamity dahil sa nararanasang pandemya.