3 patay sa rumagasang tubig sa Tinubdan Falls sa Cebu

NATAGPUAN na ng mga awtoridad ang bangkay ng tatlong magkakamag-anak na namatay matapos tangayin ng rumagasang tubig sa Tinubdan Falls sa Catmon, Cebu.

Unang nakita ang katawan ni Kent Jude Monterola, 17-anyos habang sa ilog natagpuan ang pitong-taong-gulang na si Princess Alastra. Nakuha na rin ang pinaniniwalaang katawan ni Jacel Alastra na natagpuan ng mga mangingisda sa dagat.

Batay sa kuha ng video sa nangyaring flashflood, makikitang sinikap pang iligtas ni Jacel ang kanyang anak na si Princess ngunit pareho silang tinangay ng tubig.

Nagtungo ang mga biktima, kasama ang kanilang mga kaanak sa talon para mag-piknik at matampisaw sa tubig.

Maganda naman umano ang panahon ngunit biglang rumagasa ang tubig sa talon. Pinaniniwalaan na nagkaroon ng malakas na buhos ng ulan sa kabundukan.

Sa isang panayam sa telebisyon, sinabi nina Carlos Dolendo at Emmanuel Villamor na makulimlim lang ang panahon at nagkaroon ng bahagyang pag-ulan nang dumating sila sa lugar.

Mga 30 minutes siguro na nanduon na kami, umulan na pero hindi masyadong malakas. Hindi namin in-expect na ganun kalakas,” kuwento ni Dolendo.

Nagkataon naman umanong umahon sa tubig si Villamor para kumuha ng pagkain nang mangyari ang trahedya kaya’t siya’y nakaligtas.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.