3 konsehal, DILG employee, timbog sa ilegal na tupada

NASA kabuuang 55 indibiduwal kabilang ang tatlong konsehal at isang kawani ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang pinaghuhuli ng pulisya sa ikinasang pagsalakay sa isang ilegal na patupadahan sa bayan ng Poro sa Camotes Island, Cebu kaninang madaling araw ng Lunes.

Nakilala ang mga elected officials na dinakip sa operasyon sina Municipal Councilors Ashley Otadoy, 54, Andrew Zurita, 38, at Barangay Mercedes Councilor Dennis Camomot, 48.

Hinuli din ang 52 taong gulang na si Cliff Otadoy, na empleyado ng DILG-Central Visayas (DILG-Regional Office 7).

Ayon kay Police Col. Engelbert Soriano, Director ng Cebu Provincial Police Office (CPPO), nagsagawa ng raid ang pinagsamang pwersa ng Provincial Intelligence Unit at 1st Provincial Mobile Force Company (PMFC) sa isang patupadahan na ilegal na pinapatakbo sa Gallera de Lagnasan sa Barangay Esperanza pasado alas 12 ng madaling araw ng Lunes, Abril 26, 2021.

Sa gitna ng operasyon ay nakitang mabilis na nagsipulasan ang mga nakisali sa ilegal na sabungan partikular ang nabanggit na mga opisyales subalit agad din silang nakorner ng mga awtoridad sa compound.

Nabatid kay Soriano na matagal na umanong inirereklamo ng ilang concerned citizens ang operasyon ng ilegal na sabungan sa lugar simula pa nitong kalagitnaan ng pandemya ng nakaraang taon subalit hindi maipasara dahil sa naiimpluwensyahan ng mga nadakip na municipal officials at barangay chairman.

“Caught in the act po sila na nandon mismo sa sabungan,” pahayag ni Soriano. Nakumpiska din ng mga awtoridad sa lugar ang isang buhay at isang patay na panabong na manok at mga tari.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.