2 pulis na sabit sa pagpatay sa mangingisda sa Agusan del Norte, ipinasisipa na sa PNP

Share this information:

INIREKOMENDA na ng Internal Affairs Service (IAS) ng Philippine National Police (PNP) ang pagsipa sa serbisyo ang dalawang pulis na umano’y sangkot sa pagpatay sa isang mangingisda sa Agusan Del Norte nuong Hulyo.

Ayon kay IAS chief Inspector General Alfegar Triambulo, naisumite na nito ang rekomendasyon laban kina Police Senior Master Sergeant Rizyl Torricer at Patrolman Ariel Jay Panes sa Directorate for Personnel and Records Management.

Batay sa imbestigasyon ng IAS, natukoy na may motibo at sinadya ang pagpatay ng dalawang pulis kay Ikiel Kintanar.

Nangyari ang insidente sa laot ng Cabadbaran City habang nagpapatrulya ang mga pulis nuong Hulyo 10. Inutusan umano ng mga pulis ang grupo ni Kintanar na patigilin ang bangka nito ngunit binilisan pa ang pagpapatakbo at nagkaroon ng habulan.

Sa gitna ng pagtutugis, sa halip umano na magpaputok ng warning shot ay pinaputukan ng dalawang pulis ang mga mangingisda.

Maliban sa mga kasong administratibo, nahaharap din sila Torricer at Panes sa kasong murder.

Samantala, siniguro na ni Philippine National Police Chief General Guillermo Eleazar na masisibak sa serbisyon ang naarestong pulis na sangkot umano sa ilegal na pagbebenta ng sasakyan at armas.

Ayon kay Eleazar, inatasan na niya ang Internal Affairs Service na mag-imbestiga at simulan agad ang summary dismissal proceedings laban kay Police Staff Sergeant Michael Salinas na nakatalaga sa Manila Police District.

Batay sa ulat, si Salinas ay isa sa walong indibidwal na naaresto nuong Setyembre 3 dahil sa pagbebenta ng ilegal na sasakyan at armas sa Paranaque City at itinuturong utak ng sindikato.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.