NAKATAKDANG itayo ang isang post-harvest center na matatagpuan sa bayan ng Abucay sa lalawigan ng Bataan.
Pinasinayaan kamakailan sa pamamagitan ng isang groundbreaking ceremony ang 1Bataan Post Harvest Center na itatayo sa Brgy. Calaylayan, Abucay, Bataan. Dinaluhan ito ng mga matataas ng opisyal ng lalawigan ng Bataan na pinangunahan ni Bataan Governor Abet Garcia, kasama si Dinalupihan Mayor Gila Garcia at Israeli Ambassador to the Philippines, H. E. Ilan Fluss.
Ayon kay Gov. Garcia, ang naturang proyekto ay magsisilbing bagsakan ng mga ani ng mga magsasaka upang mapanatiling sariwa ang mga ito hanggang sa maihatid sa merkado.
Bagamat wala sa naturang okasyon ay nagpahayag ng kasiyahan ang punong-lungsod ng bayan ng Abucay na si Mayor Liberato “Pambato” Santiago, Jr. sa naturang proyekto para sa mga vegetable farmers gamit ang Israeli farming technology.
Sinabi naman ni Municipal Administrator Ernesto Vergara na malaki ang maitutulong nito sa food security hindi lang ng Bataan kundi maging ng buong bansa.
Nauna rito, bago ang pandemya ay matatandaang ang proyektong 1Bataan Agri Inno-Tech Center (1Bataan AITC) sa bayan ng Dinalupihan ay bunga ng Public-Private Partnership sa pagitan ng Agrilever Israel at ng pamahalaang panlalawigan ng Bataan.
Samantala, pinangunahan naman ni Mayor Gila Garcia at Agrilever Chairman Yoav Schwalb ang pagtalakay sa mga susunod na hakbang para sa 1Bataan AITC na sinundan ng pagbisita sa isa sa mga pilot farms nito sa bayan ng Dinalupihan.
Matapos ang aktibidad sa bayan ng Dinalupihan at Abucay ay nagtungo ang mga opisyal sa The Bunker at the Capitol para ipakita kay Ambassador Fluss ang ilan sa mga aning gulay na ibinebenta sa lobby ng naturang gusaling pampamahalaan kasama ang mga produkto ng Galing Bataan.
Nanguna sa pagsalubong sa The Bunker si Vice Governor Cris Garcia kasama ang mga department heads at mga kawani ng pamahalaang panglalawigan ng Bataan sa pangunguna naman ni Provincial Administrator Geoff Loyola.

