16-anyos na ginang sa Malabon, patay matapos pagsasaksakin

Share this information:

PATAY na at tadtad ng saksak sa katawan ang isang16-anyos na ginang nang matagpuan ng kanyang kinakasama sa loob ng kanilang bahay sa Malabon City kamakalawa ng gabi.

Hindi na umabot ng buhay sa Tondo Medical Center ang biktimang si Izzy Andales sanhi ng mga tinamong tama ng saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan matapos itong isugod sa naturang pagamutan ng kanyang live-in partner na si Jomar Chua.

Batay sa pahayag ni Chua sa pulisya, iniwan umano niyang natutulog sa loob ng kanilang inuupahang tirahan sa No. 21 Leoño St. Brgy. Tañong ang ka-live-in subalit, kaagad ding bumalik dakong alas-9:30 ng gabi.

Nagulat umano siya nang makita ang mga bakas ng dugo sa sahig ng sala kaya’t dali-dali siyang nagtungo sa silid nila ng biktima at doon ay inabutan niyang nakatihaya at duguan ang kanyang kinakasama.

Iniutos naman ni Malabon police chief P/Col. Albert Barot ang malalimang pagsisiyasat upang makilala ang salarin.

Bagama’t hindi naman itinuturing na suspek ang kinakasama ng biktima, isasailalim din siya sa pagsisiyasat dahil siya ang unang naka-diskubre sa bangkay ng menor-de-edad pang ginang.

Ayon kay P/SSgt. Diego Ngippol, may hawak ng kaso, sa ngayon ay pagnanakaw pa lamang ang nakikita nilang motibo sa pagpatay bagama’t hindi naman niya binanggit kung ano ang mga nawalang gamit sa loob ng inuupahang bahay ng dalawa.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.