DALAWA sa isandaang Pilipino na edad 10 hanggang 69 anyos o nasa tinatayang 1.67 milyon ang gumagamit ng ilegal na droga.
Batay ito sa resulta na isinagawa ng Dangerous Drugs Board (DDB) nuong taong 2019.
Ayon kay DBB chairman Catalino Uy, nasa 4.73 milyon o anim sa isandaang Pilipino ang itinuturing na lifetime users.
“Ito ‘yung mga nag-try o gumamit ng drugs once in their lifetime. Pero not necessarily current users sila, no, siguro nag-try lang nu’ng kabataan. So ‘yun tawag sa kanila, lifetime user,” paliwanag ni Uy.
Isinagawa ng DDB katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DWSD) at Philippine Statistics Authority ang naturang survey sa 9,341 indibidwal sa bansa.
“And then ‘yung data after ma-gather… ipinasa naman natin ito dito sa independent entity, ‘yung i-Metrics Asia-Pacific Corporation. Sila ‘yung nag-provide nung analysis doon sa data na nakuha natin,” ani Uy.
“So, may checks and balance ito. Sila ‘yung nag-validate at sila ‘yung nag-analyze ng data na na-collect sa survey. And ‘yun sila ‘yung gumawa nung final report na inilabas natin,” dagdag pa ni Uy.
Nabatid din sa survey na ang mga pamilyang nasa mahihirap na komunidad ang mas maraming nasasangkot sa ilegal na droga.
“Dito nga nakita natin na ‘yung drug problem transcends all classes pero talagang mas apektado rin talaga ‘yung nasa lower bracket… ‘Yung CDE bracket,” sinabi pa ni Uy.
Lumabas din sa naturang pag-aaral na ang mga kabataan ang pinaka-vulnerable sa illegal drugs.
“[N]a validate ‘yung ating assumption na ‘yung youth talaga ang pinaka-vulnerable sa drugs, ano? ‘Yung age 15 to 22. We found out also na the younger na mag simula mag-sigrailyo o uminom ng alcohol ‘yung isang minor, ang laki ng probability na mag lead ‘yun sa drug,” pagtutukoy ni Uy.
“Kasi ito ‘yung tinatawag na gateway activities. Kaya we are expanding our attention not only sa use ng illegal drugs but also ‘yung substance abuse” pahayag pa nito.
Natukoy din sa ulat na ang cannabis o marijuana ang may pinakamaraming gumagamit o nasa 57-porsyento kaysa sa methamphetamine hydrochloride o shabu na nasa 35-porsyento.
“Lumalabas dito na… mas maraming gumagamit ng marijuana ngayon kaysa shabu. Siguro isa ‘yan sa mga development, ano? Unang-una, diyan nag-sisimula. From smoking, to alcohol, and then marijuana muna ‘yan, and then afterward lipat ‘yan sa shabu,” ani Uy. “And then meron din kaunti na cocaine. ‘Yung cocaine kasi hindi masyadong available dito, but meron din gumagamit niyan,” pahabol pa ng opisyal.