Walo katao ang nasagip ng PCG mula sa barge na sumadsad sa Quezon

WALONG tripulante mula sa isang barge na sumadsad sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Aghon sa Mauban, Quezon ang nasagip ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG).

Ayon sa ulat ng PCG Mauban sub-station, nakaangkla sa Mauban Port, Brgy. Daungan sa nasabing lalawigan ang barge na M-tug na ASC Mighty na pag-aari ng Asian Shipping Corp. nang hambalusin ito ng malalaking alon bandang ala-una ng hapon.

Sumadsad ang barge at natangay ito ng hampas ng alon sa sea wall kaya agad nagresponde ang mga tauhan ng PCG at nailikas ang walong crew.

Patungo umano ng Rio Tuba, Palawan ang nasabing barge na may kargang nasa 9,707.13 tonelada ng nickel pero pansamantala munang tumabi ito sa Mauban port para magpalipas ng sama ng panahon dala ng bagyong Aghon.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.