NILINAW ni Manila Mayor Isko Moreno na walang lockdown na ipatutupad ngayong panahon ng Kapaskuhan.
“Walang lockdown!” pahayag pa ng alkalde kaugnay sa mga lumutang na balita na mayroong lockdown ngayong buwan ng Disyembre, na aniya ay gawa ng mga “mema” o mga taong may masabi lamang.
Pagtitiyak pa ni Moreno, walang lockdown sa Maynila ngayong araw hanggang sa katapusan ng Disyembre.
Paalala pa ng alkalde, ang anumang update patungkol sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Maynila ay manggagaling sa kanya mismo o kaya sa Manila Public Information Office at mga official social media pages nila.
Ayon kay Moreno, kung wala siyang opisyal na pahayag o walang mga nabanggit ang lokal na pamahalaan, ang mga lalabas na balita ay maituturing na tsismis o kwentong barber lamang.
Samantala, sinabi ni Moreno na kung sakaling na pumalo o tumaas ng husto ang mga kaso ng COVID-19 sa Maynila ay saka lamang siya magpapasya siya na ihinto ang lahat o kaya’y ipa-lockdown ang lungsod para maprotektahan ang mga residente.
Dahil dito, mahigpit ang kanyang paalala sa mga tao na maging responsable sa bawat kilos nila at magmalasakit, upang walang mangyaring lockdown at tuloy ang Pasko.