MAS pinasimplehan na ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang tropical cyclone warning system nito upang higit na maging malinaw sa publiko ang kategorya ng mga bagyong dumaraan sa bansa.
“Kung mapapansin natin sa mga katabi nating bansa, like Japan, Hong Kong, Malaysia, China, Taiwan, Korea, tayo po ang may pinakamataas na range ng super typhoon category. Karamihan nasa 100 knots ang super typhoon intensity. Pinalitan na po natin ito,” pahayag ni PAGASA Weather Division OIC Jun Galang.
Batay sa bagong warning system, ituturing na Tropical Depression ang bagyo na may lakas ng hangin na hanggang 39-62 kilometer per hour (kph) at ang pinakamataas na tropical cyclone wind signal na ilalabas ay Signal No. 1.
Ang kategoryang Tropical Storm naman na may pinakamalakas na hangin na 62-88 kph ay may hanggang Signal No.2 na babala ng bagyo.
Samantala, ang Severe tropical storm na may lakas ng hangin na hanggang 89-117 kph ay may babala ng bagyo na hanggang Signal No. 3.
Ituturing na kategoryang Typhoon kung may lakas ng hangin na hanggang 118-184 kph habang aabot ng Signal No. 4 ang babala.
Ang Super Typhoon na may maximum winds na 185 kph o higit pa ay hanggang Signal No. 5 ang babala ng bagyo.
Sinabi ni PAGASA Administrator Vicente Malano na kanilang ikinonsidera ang hiling ng publiko na gawing higit na mas madaling maintindihan ang ipinalalabas na abiso ng kanilang tanggapan tuwing may weather system na pumapasok sa bansa.
“Ang nakikita nating weakest link ay communication. Dahil hindi naiintindihan dahil technical daw ang ating ipinapalabas,” ani Malano.
Ipinunto naman ni PAGASA Deputy Adminstrator Esperanza Cayanan na ang layon ng pagbabago ay upang maiwasan na ang kalituhan ng publiko sa pagpapakalat ng mga impormasyon.
“Ang ating forecasters, meteorologists ay ni-review ang ating warning system dahil sa mga comments ng ating partners lalong lalo na yung laging kalituhan tungkol sa super typhoon,” ayon kay Cayanan.
“Yung wind signal numbers natin nakatapat na doon sa type o category ng tropical cyclone. Tropical depression, Signal No. 1. Tropical storm, Signal No. 2. Severe tropical storm, Signal No. 3, and so on. So doon pa lang mas madali maintindihan ng tao yung mga wind signals at category kung gaano kataas ang wind signal ng bawat category,”dagdag nito.

