Kailangan pa ring sumunod sa travel protocols na inilatag ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang mga indibidwal na nabakunahan na ng COVID-19 vaccine.
Sinabi ni Department of Health Secretary Frncisco Duque III na walang katiyakan na ang lahat ng mga taong nabakunahan ay exempted sa travel restrictions o protocols dahil wala pang sapat na datos na nagpapakita na maaaring iwasan ang transmission ng naturang virus.
Ginawa ng kalihim ang pahayag nang tanungin ni Palawan 3rd District Rep. Cyrille Abueg-Zaldivar kung exempted ang mga indibidwal na naturukan na ng bakuna para sa COVID-19 sa IATF travel restrictions o protocol.
Sinabi rin ni Dr. Edcel Salvana ng DOH-Technical Advisory Group na ang isang indibidwal na nabakunahan ay maaari lamang ma-exempt sa restrictions kung may sapat na ebidensya na ang itinurok na bakuna ay 100 porsyentong humaharang sa paglaganap o pagkalat ng sakit.

