Binawi ng pamahalaang panlalawigan ng Zambales ang kontrata para sa tatlong pangunahing proyektong pang-imprastruktura na nagkakahalaga ng halos ₱1.4 bilyon dahil sa pagkakasangkot sa mga anomalya sa flood control projects ng mga kontraktor nito.
Ayon kay Engr. Domingo Mariano, Consultant on Engineering and Infrastructure Development ng Zambales Provincial Government, tinukoy nito ang mga proyektong nakansela kabilang ang ₱499.6-milyon na bagong gusali ng kapitolyo, ₱499-milyon Sports Complex Track and Football stadium, at ₱399.7-milyong annex ng provincial hospital.
Napag alaman kay Mariano na ang kontrata para sa kapitolyo at sports complex ay naunang iginawad sa St. Gerrard Construction General Contractor and Development Corp. na pagmamay-ari ng pamilya Discaya, habang ang proyekto sa ospital ay napunta sa Hi-Tone Construction & Development Corp.—isa sa 15 kontratista na pinuna ni Pangulong Bongbong Marcos dahil sa kontrobersyal sa flood control projects scheme.
“Kaagad ipinag-utos ni Gov. Hermogenes Ebdane Jr. ang kanselasyon matapos bawiin ng Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB) ang lisensya ng St. Gerrard noong Setyembre 2,” pahayag ni Mariano.
“Kanselado rin ang kontrata ng Hi-Tone dahil iniimbestigahan ito kaugnay sa iregularidad,” dagdag ni Mariano.
Gayunman, nilinaw ni Mariano na maayos at walang substandard na bahagi ang natapos na trabaho ng dalawang kompanya.
Nagsimula ang konstruksyon ng bagong kapitolyo noong Oktubre 2023 at nakatakdang matapos sa 2027.
Ang ospital na may apat na palapag at 165 bed capacity ay target ding makumpleto sa 2027, habang ang sports complex ay planong matapos sa susunod na taon bilang paghahanda sa Zambales sa posibleng pag-host ng Palarong Pambansa sa 2027.
“Positibo ang slippage ng mga proyekto, ibig sabihin, nauuna sila sa iskedyul. Wala kaming problema sa aktuwal na trabaho rito; nadamay lang sila sa ibang usapin,” Paliwanag ni Mariano.
Sinabi pa ni Mariano na susuriin ng technical committee ang aktuwal na accomplishment bilang batayan ng mga susunod na gagawa.
Posibleng irebid ang proyekto o direktang ipagpatuloy ng pamahalaang panlalawigan ang konstruksiyon.
Nasa 70% na ng kabuuang kontrata ang nabayaran para sa kapitolyo, subalit higit 78% na ang natapos.
Sa sports complex naman, nasa 48% na ang accomplishment—mas mataas ng higit 2% kumpara sa plano.
“Obligado pa rin ang pamahalaan na bayaran ang natapos na trabaho. COA ang tutukoy kung magkano pa ang dapat bayaran. Hindi natin puwedeng talikuran ang obligasyon,” giit ni Mariano.