Subic, ZAMBALES — Itinanggi ni Zambales 1st District Representative at House Deputy Speaker Jay Khonghun ang isyu kaugnay sa isang relong ginamit sa black propaganda laban sa kanya at nilinaw na isa lamang itong Seiko at hindi Rolex na nagkakahalaga ng P2.4 milyon.
Ayon kay Khonghun, ang relo ay isang Seiko Daytona black gold mod at hindi mamahaling brand gaya ng ikinakalat sa social media. “Kung nagtanong lang sila, ipinakita ko sana ang mismong relo. Seiko lang ito na paborito kong isuot,” pahayag ni Khonghun sa ginanap na “Talakayan sa Freeport” nitong Biyernes, September 19.
Kaugnay ito ng pinaigting na lifestyle checks matapos ibunyag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang umano’y ghost flood control projects, kung saan nasangkot ang ilang kontratista na nakitang may mamahaling relo.
Paliwanag ni Khonghun, tungkulin lamang ng mga kongresista ang maghain ng panukalang batas para sa pondo ng proyekto, habang ang implementasyon ay nasa Department of Public Works and Highways (DPWH).
“Kung galit kayo sa mga kinatawan, baka sa maling tao kayo bumabaling. Tanungin ninyo ang DPWH dahil sila ang nagpapatupad ng proyekto,” giit niya.
Dagdag pa ng kongresista, dapat malinaw sa publiko kung kanino dapat magtanong para malaman ang katotohanan at maiwasan ang haka-haka.