INIHAYAG ng mga namumuno sa Quiapo Church na pareho pa rin ang magiging ruta ng prusisyon ng Hesus Nazareno o Traslacion sa Enero 9 sa susunod na taon.
Ginawa ang pahayag matapos magsagawa ng isang “walk through” ang mga opisyal ng Simbahan ng Quiapo, mga ahensiya ng gobyerno, at lokal na pamahalaan tungkol sa magiging sa ruta ng Traslacion sa 2025.
Magsisimula ang prusisyon sa Quirino Grandstand sa Rizal Park, kakanan sa Katigbak Drive, kanan sa Padre Burgos St. sa pamamagitan ng Finance Road, diretso sa Ayala Bridge, kaliwa sa Palanca St., kanan sa Quezon Boulevard, kanan sa Arlegui Street, kanan sa Fraternal Street, kanan sa Vergara Street, kaliwa sa Duque de Alba Street, kaliwa sa Castillejos Street, kaliwa sa Farnecio Street, kaliwa sa Nepomuceno, kaliwa sa Concepcion Aguila Street, kanan sa Carcer Street, kanan sa Hidalgo Street sa pamamagitan ng Plaza del Carmen, kaliwa sa Bilibid Viejo sa pamamagitan ng Gonzalo Puyat, kaliwa sa J.P. de Guzman Street, kanan sa Hidalgo Street, kaliwa sa Quezon Boulevard, at kanan sa Palanca St.
Samantala, naniniwala si Alex Irasga, ang technical adviser ng Kapistahan, na makakasama sa pagdiriwang sa Enero si Bishop-elect Rufino “Jun” Sescon, Jr. kahit na siya ay itinalaga na bilang bagong Obispo ng Diocese ng Balanga.
Noong Martes, itinalaga ni Pope Francis si Sescon bilang bagong pastol ng nasabing diyosesis.
Siya ay kasalukuyang kura paroko o rektor ng Minor Basilica and National Shrine of Jesus Nazareno o mas kilala bilang Quiapo Church.

