MAGKAKAROON na ng sapat na panahon ang mga repatriated overseas voters na gustong bumoto sa Pilipinas na makapaghain ng kanilang aplikasyon para sa 2022 national at local elections.
Ito ay makaraang ianunsyo ng Commission on Elections (Comelec) ang pagpapalawig ng deadline ng Transfer for Overseas Registration.
Sinabi ni Comelec spokesperson James Jimenez na ang deadline ng aplikasyon para sa transfer of registration record ay pinahaba hanggang Setyembre 30, 2021 kasabay ng local registration deadline mula sa original na deadline na Agosto 31.
Ayon sa Comelec, kinikilala ng Commision en Banc ang pangangailangang maiwasan ang pagkawala ng karapatan sa isang malaking bilang ng ating mga kababayan, na hindi inaasahang narepatriate dahil sa COVID-19 pandemic.
“The Commision en Banc recognizes the need to prevent the disenfranchisement of a great number of our kababayans, who have been unexpectedly repatriated due to the COVID-19 pandemic, hence the decision to extend the deadline. If they will be in the Philippines on election day, then they can still exercise their right of suffrage by casting their ballot here,” ayon kay Jimenez.

