PINAGBABARIL hanggang sa mapatay ang isang pulis na nakatalaga sa Kampo Krame makaraang tambangan sa Tandang Sora Avenue, Barangay Culiat, Quezon City kaninang umaga.
Natukoy ang pagkakakilanlan ng biktimang si Police Lt. Samad Baharan ng Police Community Affairs Development Group (PCDAG).
Batay sa paunang imbestigasyon ng Quezon City Police District (QCPD), sakay ng kanyang motorsiklo si Baharan dakong alas-9:15 ng umaga nang sumulpot sa harap nito ang dalawang lalaking suspek. Mabilis na tumakas ang mga salarin matapos ang pamamaril.
Sa pagsusuring isinagawa ng Scene of the Crime Operatives, natukoy na nagtamo ng mga tama ng bala ng baril sa iba’t-ibang bahagi ng kanyang katawan ang pulis.
Iniutos na ni QCPD Police Director Brig. Gen. Ronnie Montejo ang pagsisiyasat sa motibo at nasa likod ng krimen.
Sinisikap na rin ng mga tauhan ng barangay na makakuha ng ebidensya na maaaring tumukoy sa pagkakakilanlan ng mga suspek tulad ng mga kuha ng closed circuit television camera (CCTV).