NAHULI na at naibalik sa Sablayan Prison and Penal Farm sa Occidental Mindoro ang isang person deprived of liberty(PDL), dalawang araw matapos ang pagtakas, ayon kay Bureau of Corrections Director General Gregorio Pio Catapang Jr. nitong Huwebes.
Ang nagtangkang tumakas na PDL na si Tyrone Dela Cruz, nakulong sa BuCor noong Disyembre 2017 sa kasong kidnapping with ransom na pinatawan ng Habambuhay na pagkabilanggo.
Kahapon ng alas 7:30 Huwebes ng umaga nang mahuli si Dela Cruz sa Sitio Idarag, Barangay Sta. Lucia, Sablayan, Occidental Mindoro kasunod ng isinagawang operasyon ng Corrections Emergency Response Team (CERT).
Ayon kay Catapang, inalarma ang mga otoridad dahil sa pagtakas ng PDL hanggang sa makatanggap ng impormasyon ang CERT na tumangay ng isang motorsiklo sa Brgy. Sta Lucia.
Noong Miyerkules nang iulat kay Justice Secretary Fredderick Vida ang insidente at ang pagtanggal sa pwesto sa mga responsable na sina Corrections Officer 3 Jon-jon Edic, shift commander; CO1 Nelbert Moro, direct Custodian ng Building 3; CO1 Lester Gonzales, bantay sa Post Tower 1 Sentinal, CO1 Lionel Darrold Orandain, sa POST Tower 2.
Sa ginawang headcount ng bandang alas 5:47 ng hapon hindi na ma-account si Dela Cruz.
Nakitang patungo sa basketball court area si Dela Cruz at dumaan sa pagitan ng Post Tower 1 at Post Tower 2, na hinabol at nagpaputok pa ng warning shots ang correction officer subalit nakatakbo patungo sa magubat na bahagi.

