SINABIHAN umano ni Pangulong Rodrigo Duterte si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco na na-denggoy o naisahan sila ni Speaker Alan Peter Cayetano sa isyu ng hatian ng termino sa pagiging lider ng Kamara.
Ayon kay Velasco, kitang-kita niya ang galit ng Presidente sa kanilang pribadong pag-uusap sa Malakanyang at sinabi sa kanya na hindi lamang siya ang napahiya kundi silang dalawa ang napahiya sa term sharing agreement.
“Kitang kita ko ‘yung galit ng Pangulo. Sabi sa akin ni Pangulo, ‘Lord, hindi lang ikaw ang napahiya dito, tayong dalawa.’ Actually, the President used the word ‘Lord, nadenggoy tayong dalawa,” pahayag ni Velasco sa isang panayam.
Sa naunang pulong nina Pangulong Duterte, Cayetano at Velasco nuong Setyembre 29, nagkasundo umano sila na ipatutupad ang term sharing agreement at bababa sa puwesto si Cayetano sa Oktubre 14. Pumayag naman aniya si Cayetano at nagkamayan pa sila kasama ang Pangulo.
Gayunman, maagang sinuspindi ni Cayetano ang sesyon nuong Martes at magbabalik sa Nobyembre 16 kasabay ng mabilis na pagpapatibay sa 2nd reading ng 2021 national budget.
Kasabay nito, sinabi rin ni Velasco na personal na ambisyon ni Cayetano na maging Presidente sa taong 2022 ang dahilan kaya’t tumatanggi itong bumaba sa pagka-Speaker.
Diin ng kongresista, ginulo ni Cayetano ang buong budget process at ginagawa ang lahat para makuha ang ambisyon nito sa eleksyon.
“He is fighting for personal interest and ambition. Akalain mo ba naman, guluhin niya iyong buong budget process. Why? Out of fear. Speaker Cayetano is doing everything to be able to achieve his personal ambition and interes na maging Presidente ng 2022,” dagdag pa ni Velasco.
Sinabi pa ni Velasco na mas inuuna ni Cayetano ang political survival nito kaysa sa mairaos ang bansa mula sa hagupit ng COVID-19 pandemic.
“Pandemic, we are looking at the survival of our country. Inuuna muna niya ang kanyang political survival before the survival of our country,” giit pa ng kongresista.
Samantala, sinusubok pa na makuha ang panig ni Cayetano sa mga naging pahayag ni Velasco, pero wala pa itong tugon sa ngayon.