Presyo ng petrolyo, maaaring umabot hanggang P100 bawat litro, babala ng DOE

Share this information:

NAGBABALA ang Department of Energy (DOE) na posibleng umabot pa ng hanggang P100 bawat litro ang produktong petrolyo sa mga susunod na linggo.

Gayunpaman, sinabi ni DOE Undersecretary Gerardo Erquiza Jr. na hindi naman magiging biglaan ang pagtataas ng halaga ng petrolyo.

Kung based sa isang dramatic extreme reason, bigla na lang aangat at tataas, hindi naman po,” ayon kay Erquiza.

Pero ang nangyayari dito, nagpapatong-patong, may posibilidad ‘yan kung tuloy tuloy na bawat araw, bawat linggo ay tumataas. Pero ‘yung biglaan ho ang pag-angat at pagtaas ng P100, ‘yun ho ay hindi naman mangyayari most likely,” dagdag pa nito.

Ngayong Martes, muling magpapatupad ng panibagong pagtataas sa presyo ng produktong petrolyo ang ilang kumpanya ng langis.

Inianunsyo ng mga kumpanyang Shell, Caltex, Clean Fuel, at Seaoil ang pagtataas sa P3.10 kada litro ng diesel, samantalang P0.80 kada litro naman ang idaragdag nila sa kanilang gasolina.

Samantala, ang Shell, Caltex, at Seaoil ay magdaragdag din ng P1.70 sa bawat litro ng kerosene.

Sinabi ni Erquiza na ang pagtataas ng presyo ng produktong petrolyo ngayong linggo ay bunsod ng paglakas ng dolyar.

Kahit na sabihin nating dumadami ‘yung supply ng krudo pero ‘yung manufacturing level ng diesel halos pareho lang ho,” paliwanag ni Erquiza.

Muling umapela si Erquiza sa pag-amyenda ng Oil Deregulation Law bagamat aminado itong mahirap nang mapagtibay ang panukala sa huling mga linggo ng termino ng administrasyong Duterte.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.