IPINAGBABAWAL na rin ang paggamit ng plastic straws at coffee stirrer sa lahat ng establisyemento sa bansa.
Ito ay kasunod ng pag-apruba ng National Solid Waste Management Commission (NSWMC) sa total ban sa plastic straw ng soft drinks at plastic stirrer na ginagamit na panghalo sa kape.
Sa botong labing-isang pabor at tatlong kumontra ay ipinasa ang resolusyon sa isinagawang virtual en banc meeting na pinangunahan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Itinuturing na isang milestone ni DENR Undersecretary Benny Antiporda dahil matapos ang mahigit dalawang dekada na pagkakapasa ng Republic Act 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act of 2000 ay ngayon lamang nakapaglabas ang komisyon ng listahan ng non-environmentally acceptable products.
Ayon kay Antiporda, maraming dapat na habulin ang ahensya para makatugon sa solid waste management ng bansa. Nataon ang desisyon na tuluyang ipagbawal sa paggamit ng straw kasabay ng pagdiriwang ng mundo sa international straw free day kahapon araw ng Miyerkules, February 3, 2021.