Pitong delingkwenteng negosyo sa Maynila, kinalampag ng SSS

Share this information:

IBINUNYAG ng Social security System (SSS) na nasa pitong delingkwenteng negosyo sa Maynila ang kanilang hinahabol sa ngayon.

Sa isinagawang Run After Contribution Evaders o RACE activity ng SSS ngayong Biyernes sa isang sangay nito sa Binondo, Maynila, sinabi ni Josephine Ang, acting branch head na nasa P2.3 milyon na halaga ng kontribusyon ang hinahabol ngayon ng SSS Binondo branch.

Dahil dito, sinabi ni Ang na apektado ang benepisyo ng 77 empleyado ng mga ito. 

Kinalampag din ng SSS Binondo ang tatlong negosyo para naman magpa-rehistro nang maproteksyunan ang mga empleyado nito.

Ayon kay Luzviminda Limcauco, Vice President ng SSS -NCR West Division, hindi makukuha ng mga empleyado ang kanilang SSS benefits kapag hindi updated ang hulog ng kanilang mga employers.

Nilinaw naman ni Atty Ma. Katrina Guzman ng NCR West legal department ng ahensya, mahalaga na makipag-ugnayan sa SSS ang mga employers o negosyo na napasama  sa RACE dahil may mga mahahalagang dokumento na kailangan nilang maisumite.

Giit ng abugado, posibleng makasuhan ang mga employers na hindi makakapagsumite ng tamang dokumento kahit pa kumpleto ang mga premium payments ng mga ito.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.