PINATAWAD na umano ni Pangulong Rodrigo Duterte si US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton na hinatulan sa pagpatay sa Filipino transgender woman na si Jennifer Laude.
Ayon kay Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin, Jr., sa gitna ng mga pagtatalo kung legal o hindi ang napaigsing panahon ng pagsisilbi sa piitan ni Pemberton sa tulong ng Good Conduct Time Allowance (GCTA), binigyan ni Pangulong Duterte si Pemberton ng tinatawag na “absolute pardon.”
“Cutting matters short over what constitutes time served, and since where he was detained was not in the prisoner’s control—and to do justice—the President has granted an absolute pardon to Pemberton. Here at the Palace,” ayon sa social media post ni Locsin.
Mayruon umanong prerogatibo ang Pangulo ng bansa na magpatawad ng isang bilanggo at iutos ang pagpapalaya nito.
Una nang nabitin ang pagpapatupad ng release order ng Olongapo City Regional Trial Court para kay Pemberton makaraang makuwestyon ang paggamit ng GCTA sa maaga nitong pagpapalaya.
Hindi rin agad naproseso ng Bureau of Corrections ang paglabas sa piitan ni Pemberton dahil sa isyu.
Wala pang anim na taong napipiit si Pemberton mula sa hanggang sampung taong sentensya nito ngunit iniutos na ng korte na siya ay makapalaya dahil sa naipong GCTA na ibinawas sa mga taon ng kanyang parusang pagkakakulong.