Nilinaw kahapon ng Department of Health (DOH) na hindi konektado sa naitalang UK variant case sa Pasay City ang pagtaas ng mga coronavirus disease 2019 (COVID-19) infection sa lungsod.
Ayon kay DOH Undersecretary at spokesperson Maria Rosario Vergeire, batay sa kanilang mga isinagawang pag-aaral at panayam sa Pasay City local government unit (LGU), wala silang nakitang link na mag-uugnay sa COVID-19 UK variant case sa pagtaas ng mga kaso ng virus sa lungsod.
Sa kasalukuyan, nasa 55 barangay na ang naiulat na ini-lockdown sa Pasay City dahil sa paglobo ng mga kaso ng COVID-19 doon. Ito ay higit sa 1/4 ng may 201 barangay sa lungsod.
Humingi naman na ng tulong sa DOH ang Pasay City City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) lalo na at karamihan umano sa mga aktibong kaso ng sakit ay 66 percent ang magkakamag-anak o magkakasama sa iisang tahanan.
Nais umano nila na magkaroon ng genome sequencing para matukoy kung anong variant ng COVID-19 ang kumakalat sa kanilang lugar.
Matatandaang una nang kinumpima ng DOH na nasa anim na rehiyon na sa bansa ang nakapagtala ng COVID-19 UK variant cases, kabilang dito ang isang kaso na naitala sa Pasay City na nasa National Capital Region (NCR), noong Pebrero 12.
Sa Cordillera Administrative Region (CAR) naman, nasa 18 kaso ng UK variant ang naitala sa Bontoc, Mountain Province, isa sa Sabangan, Mountain Province at apat sa La Trinidad, Benguet, kabilang ang 84-anyos na lolo na unang namatay sa naturang karamdaman.
Sa Region 4A o Calabarzon, isa ang naitala sa Tanauan, Batangas at isa rin sa San Mateo, Rizal habang sa Region 7 o Central Visayas ay isa ang naitala sa Liloan, Cebu.
Sa Region 10 o Northern Mindanao, isang kaso rin ang naitala sa Impasugong, Bukidnon, habang sa Region 11 o Davao Region ay tig-isa ang naitala sa New Bataan at Compostela sa Davao de Oro, at isa sa Davao City.
Sa kabuuan ay 62 indibidwal na ang nakumpirmang nabiktima ng UK variant sa bansa at sa naturang bilang, 30 ang hindi klasipikado sa nabanggit na anim na rehiyon at pawang klinasipika bilang returning overseas Filipino (ROF) worker.
Mayroon rin namang naitalang kaso ng sakit na klinasipika bilang arriving foreign national.
Sa pinakahuling datos ng Pasay City LGU, umabot na sa 7,704 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lungsod.
Sa bilang na ito, nasa 7,073 na ang nakarekober habang 435 na lamang ang aktibong kaso.