NAGSIMULA na ngayong araw ang pagpaparehistro ng mga botante o “voter registration” para sa gaganaping pambansa at lokal na halalan sa taong 2025.
Ayon sa Commission on Elections (Comelec), tatagal ang voter registration ng pitong buwan o hanggang Setyembre 30, 2024.
Sa unang araw pa lamang ng voter registration, Pebrero 12, may ilang mga tao ang pumila na simula alas-4 pa lamang ng madaling araw sa tanggapan ng Comelec sa Arroceros, Maynila.
Inihayag din ng poll body na nakatakda na din simulan ang Register Anywhere Program (RAP) kung saan pahihintulutan nito ang mga kwalipikadong Pilipino na magparehistro para sa halalan sa mga itinalagang lugar tulad ng mga mall at paaralan.
Nasa 170 na mga mall sa buong bansa ang inaasahang magho-host ng RAP, kabilang na din ang ilang mga simbahan, paaralan at tanggapan ng pamahalaan. Ang RAP ay itinakda na magtagal hanggang Agosto 31, 2024.
Nauna nang sinabi ni Comelec chairman George Garcia na hindi na magiging mahigpit ang voter registration sa loob ng mga mall kung saan inaasahang matatapos ang bawat magpapa-rehistro sa loob lamang ng humigit-kumulang 10 minuto.
Ang kailangan lamang ng mga aplikante na magpapa-rehistro ay magprisinta ng mga sumusunod na government-issued identification cards (ID) na may pirma nila, tulad ng:
- National Identification (ID) card ng Philippine Identification System (PhilSys)
- Postal ID
- PWD ID
- Student ID o Library Card na pirmado ng mga opisyal ng paaralan
- Senior Citizen ID
- Driver’s License o Student Permit
- NBI Clearance
- Passport
- Social Security System (SSS)/Government Service Insurance System (GSIS) o Unified Multi-Purpose ID (UMID)
- Integrated Bar of the Philippines (IBP) ID
- Professional Regulation Commission (PRC) ID
- Certificate of Confirmation mula sa National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) kapag miyembro ng Indigenous Cultural Communities (ICCs) o Indigenous Peoples (IPs)
- Barangay Identification/ Certification na may larawan o iba pang valid government-issued ID
Samantala, ang delegasyon ng komisyon sa pangunguna ni Garcia ay nakatakdang tumulak sa Pag-asa Island sa West Philippine Sea sa Lunes para sa voter registration.
Sinabi ng Comelec na hindi bababa sa tatlong milyong Pilipino ang inaasahang magpaparehistro bilang mga bagong botante sa buong bansa bago ang 2025 na halalan.
Hindi naman bababa sa 67.8 milyong botante ang kasalukuyang nakarehistro sa Comelec.
Maaaring magparehistro ang mga aplikante mula Lunes hanggang Sabado, alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon sa lahat ng tanggapan ng Comelec sa buong bansa.