TINATARGET na ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na maipagpaliban ang nakatakdang halalang pambarangay sa Disyembre ng kasalukuyang taon.
Ayon kay Leyte Rep. Martin Romualdez, prayoridad nilang matalakay sa pagbabalik-sesyon ng Kongreso sa Lunes ang nasabing panukala.
“‘Yun po ang isang hinaing po ng mga barangay chairpersons na na-meet natin sa Liga ng mga Barangay so we shall consider that. If that will be taken up, dapat immediately dahil Disyembre na ho ang barangay elections. Those will be one of the items sa priority agenda… Dapat ilagay din natin iyan under sa priority list under consideration,” pahayag ni Romualdez.
Tatlong beses nang naudlot ang barangay elections na unang itinakda noong taong 2016 hanggang sa iniurong sa darating na Disyembre.
Sinabi ni Romualdez na ang pagpapaliban ng barangay polls ay makatutulong upang makatipid ang gobyerno ng mahigit P8 bilyon na magagamit bilang stimulus package sa COVID-19 response ng bagong administrasyon.
“Magkakaroon tayo ng savings na P8.141 billion that we can deploy for the COVID response and for the economic stimulus, the ayuda and all that the country needs especially those suffering from the pandemic,” ayon sa kongresista.
“We are trying to make sure that the priority legislation of the incoming president BBM will be aided and supported with the measures that will allow him to pursue his agenda,” dagdag pa ng lider ng Kamara.