Breaking News

Share this information:

PORMAL nang inihain ng ilang grupo ng transportasyon ang petisyon na layong humirit ng tatlong pisong dagdag sa pasahe sa jeep sa gitna ng sunud-sunod na pagtataas ng presyo ng produktong petrolyo.

Isinumite ng mga grupong Pasang Masda, Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO), Land Transportation Organization of the Philippines (LTOP), Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP), at Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines Inc., (ALTODAP) ang kanilang kahilingan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang maitaas sa P12 ang minimum na pasahe.

Sa kanilang pinagsama-samang petisyon, iginiit ng transport groups na sumipa na rin ang kanilang mga nagagastos sa operasyon at maintenance ng mga jeep at nuong taong 2018 pa huling napagbigyan ang taas-pasahe.

The current minimum fare is still freeze at P9.00 which is apparently not enough even to cover the operating cost of the PUJ service,” ayon sa mga grupo.

Sinabi ni Pasang Masda President Obet Martin na maraming jeepney operators at drayber ang hindi pa nakakabangon sa mabigat na epekto ng pandemiya sa sektor ng transportasyon.

“Ang mga miyembro namin ay nagdadaingan na at nakikita ko na nahihirapan na talaga sila. Lugi na rin kasi ang kinikita lang ng mga driver ngayon ay P200,” ani Martin.

Sinabi rin ni LTOP President Lando Marquez na wala silang pagpipilian sa ngayon kundi ang humirit ng dagdag-pasahe bagamat ikinonsidera rin nila ang mga pasahero.

“Ayaw sana namang magfile kasi nga tayo lahat ay nadisgrasya ng pandemic, kaya wala kaming alternative, hindi kami kinakausap ng gobyerno,” pahayag ni Marquez.

Gayunman, sinabi ni Martin na handa nilang bawiin ang petisyon sa sandaling maibigay ng gobyerno ang sapat na subsidiya sa sektor na makatutulong na makabawi sa kanilang gastusin.

“I-wo-work out pa rin po namin ang aming kahilingan na subsidy. Kapag na-grant ito, i-re-recall ko po ang aming petition for fare increase para sa ating mga kababayan na naghihirap sa panahon ng pandemya,”dagdag ni Martin.

Sinabi naman ni LTFRB Executive Director Joel Bolano na pag-aaralan ng Board ang petisyon at sakaling maaprubahan ay posibleng hanggang P1.26 ang mapapayagang fare increase.

“Kung pagbabasehan yung formula sa memorandum circular na ginagamit batay sa mga increases ng petrolyo, based sa aming computation, hindi lalampas sa P1.26 more or less,” paliwanag ni Bolano.

Binigyang-diin ni Bolano na kailangang mabalanse ang pangangailangan ng mga tsuper gayundin ng mga pasahero lalo na’t mayruong pandemiya.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: